Bakit nahihirapan akong tanggapin na ang alkoholismo ay isang sakit? Masisisi ko ba ang isang diabetic o isang pasyente na may cancer para sa kanilang mga sintomas? Syempre hindi. Alam kong hindi sapat ang lakas ng loob para talunin ang isang sakit. Kung ang mga alkoholiko ay maaaring huminto lamang sa pag-inom kung kailan nila gusto, marami na sanang tumigil noon pa man. Walang magandang maidudulot sa akin na makiusap, magalit, o mangatwiran sa tuberkulosis; Hindi ako mag-aaksaya ng aking oras sa pagsusumamo, pagmumura, o pangangatuwiran sa alkoholismo.
Kaya’t nagpasiya akong ihinto ang pagsisi sa alkoholiko sa kung ano ang hindi niya kontrolado-kabilang na ang pagpupumilit na uminom. Sa halip, ididirekta ko ang aking mga pagsisikap kung saan makakagawa sila ng ilang kabutihan: Sisikapin kong pagtuunan ang aking sariling rekoberi. Alam ko na ang pinabuting kalusugan ng isang miyembro ng pamilya ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba pang miyembro ng Pamilya. Sa ganitong paraan, makakagawa ako ng mas malaking kontribusyon para sa kapakanan ng mga mahal ko kaysa subukang labanan ang isang sakit na hindi kayang kontrolin.
Paalala ngayong araw
Kapag tinanggap ko na ang alkoholismo ay isang sakit, nagiging mas madaling makilala na ako rin, ay naapektuhan ng isang bagay na hindi ko kontrolado, at magsimulang gumaling mula sa mga epektong iyon.
“Makamit man ng alkoholiko o hindi ang kahinahunan, ngayon na ang tamang panahon para sa mga miyembro ng pamilya na simulang trabahuhin ang kanilang sariling rekoberi.”
Gabay para sa Pamilya ng mga Alcoholiko
(A Guide for the Family of the Alcoholic)