Ang pagpapakumbaba para saken ay isang konsepto na mahirap maunawaan. Itinuro mula pagkabata na unahin ang mga gusto at pangangailangan ng iba laging higit sa aking sarili, itinumbas ko ang pagpapakumbaba sa pangangalaga sa iba at pagbalewala sa sarili kong nararamdaman at pangangailangan. Sa Al-Anon nalaman ko na ang tunay na pagpapakumbaba ay hindi nakakahiya; hindi ito nangangahulugan ng pagpabaya sa sarili kong mga pangangailangan. Sa katunayan, ang pagpapakumbaba ay hindi nasusukat sa kung gaano kalaki ang aking ginagawa para sa ibang tao, kundi sa pamamagitan ng aking kahandaang gawin ang aking parte kaugnay ng aking relasyon sa Diyos ayon sa aking pagkakaunawa sa kanya. Nagsimula akong matuto ng pagpapakumbaba nung ginawa ko ang Unang Hakbang.
Sa pamamagitan ng pagtanggap na ako ay walang kapangyarihan, binibigyan ko ng puwang ang posibilidad na ang isang kapangyarihang higit sa aking sarili ay magagawa ang lahat ng mga bagay na hindi ko kayang abutin. Sa madaling salita, nagsimula akong matuto tungkol sa kung ano ang, at hindi ko responsibilidad. Habang nagiging malinaw ito, mas nagagawa ko ang aking parte, para sa aking sarili at para sa iba, at mas nagagawa kong hilingin sa Diyos na gawin ang iba pa.
Paalala ngayong araw
Bahagi ng pag-aaral ng pagpapakumbaba ay ang pag-aaral na mag-ambag sa aking sariling kapakanan. Ngayon ay gagawa ako ng isang bagay na mapagmahal para sa aking sarili na karaniwan kong ginagawa para sa iba.
“Hindi natin masasabi kung ano ang maaaring mangyari sa atin sa hindi pangkaraniwang takbo ng buhay. Ngunit maaari tayong magdesisyon kung ano ang mangyayari sa atin at -kung paano natin ito tatanggapin, kung ano ang gagawin natin dito—at iyon ang talagang mahalaga sa huli.”
Joseph Fort Newton