Maraming mga pagkakataon na nagdududa ako sa pagkakaroon ng anumang bagay na nagmamalasakit sa kung ano ang nangyayari sa mundong ito, lalo na sa aking buhay. Ang pagiging agnostiko, madaling dumarating sa akin ang pagdududa; ang paniniwala ay mahirap.
Ngunit pagkatapos ay naiisip ko kung paano ako ginabayan ng isang tao sa Al-Anon noong ang aking buhay ay nasa pinakamadilim. Naiisip ko ang mga pagkakataong ang mga salita at musika ng ilang kanta ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpatuloy sa buhay kung saan mas madaling sumuko. Naaalala ko na ako ay pinasisigla ng katapatan ng mga tao na nagbabahagi ng kanilang pinakamalalim na kaisipan sa mga pulong sa Al-Anon linggu-linggo, taon-taon. Batid ko na, sa kaibuturan ko, may bahagi sa akin na nagnanais kung ano ang makabubuti para sa akin, na nagtutulak sa akin na hanapin ang kapayapaan, kaligayahan, direksyon, at kabuuan sa ng buhay ko. At nagdududa ako sa aking mga pagdududa.
Paalala Ngayong Araw
Kapag pakiramdam ko malayo ako sa Poong Makapangyarihan, kailangan kong makinig nang mabuti.
Nakikinig ako sa mga pulong, nakikinig ako ng musika, nakikinig ako sa karunungan na hatid ng ating literatura, at sinisikap kong maging bukas sa aking naririnig. Hindi ko alam kung saan magmumula ang isang mensahe.
“Paminsan-minsan tingnang mabuti ang isang bagay na hindi ginawa ng mga kamay-ang bundok, ang bituin, ang pagliko ng isang batis. Darating sa iyo ang karunungan at pasensya at kaginhawahan at, higit sa lahat, ang katiyakan na hindi ka nag-iisa sa mundo.”
Sidney Lovett