HULYO 8
Naaalala ko, ng bata pa ako, umaakyat ako sa mga puno upang mas mapagmasdan ang isang pugad ng mga sanggol na ibon, at hinihiga ang aking likod at iniisip kung ano ang pakiramdam na mahulog sa langit na puno ng alapaap. Mayroon pa rin akong malalim na espirituwal na damdamin kapag nasa labas ako ng kalikasan, at ngayon ay parang alam ko na kung bakit.
Ang isa sa mga pangunahing prinsipyo ni Al-Anon ay ang pamumuhay “Para sa Araw na Ito Lamang,” at pinalilibutan ako ng kalikasan ng mga magagandang huwaran.
Ang mga puno ay hindi nakaupo sa paligid at nag-aalala tungkol sa mga sunog sa kagubatan. Ang tubig sa lawa ay hindi nababahala sa kaguluhan na naranasan nito ilang milya sa itaas ng agos. At hindi pa ako nakakita ng paru-paro na sumisira sa mga gawain ng mga kasama nito. Ang lahat ng nilikha ay gumagalaw sa sarili nitong pamumuhay. Kung patuloy kong idilat ang aking mga mata, matututunan ko rin itong gawin.
Paalala sa Araw na Ito
Marami ang matututunan na resulta ng mga masasakit na pangyayari, ngunit hindi lang sila ang aking mga guro. Nabubuhay ako sa mundong puno ng kamanghaan. Ngayon ay bibigyan ko ng pansin ang kanilang banayad na karunungan.
“Natuklasan ko ang lihim ng dagat sa pagmumuni-muni sa isang patak ng hamog.”
Kahlil Gibran