Kung paanong ang karaniwang sipon ay may mga sintomas tulad ng tumutulong sipon at pagbahin, ang alkoholismo ay mayroon ding mga sintomas tulad ng pagkahimatay at pagbabago ng mood. Kailangan kong tanggapin na ako rin, ay nagpapakita ng mga sintomas na katulad ng sa mga alkoholiko, kasama ng mga ito ang pagkahumaling, pagkabalisa, galit, pagtanggi, at pagkadama ng pagkakasala. Ang mga reaksyong ito sa alkoholismo ay nakakaapekto sa aking mga relasyon at sa kalidad ng aking buhay, ngunit habang natututo akong kilalanin ang mga ito at tanggapin na ako ay naapektuhan ng isang sakit, nagsimula akong gumaling. Sa paglipas ng panahon, natuklasan ko ang mga damdamin ng pagpapahalaga sa sarili, pagmamahal, at espirituwal na pagkakaugnay na tumutulong sa akin na kontrahin ang mga lumang tugon. Kahit gaano pa ako kagrabeng naapektuhan, nakakatulong si Al-Anon na maibalik ako sa katinuan.
Ang alkoholismo ay mas malakas kaysa sa mabuting hangarin o tunay na pagnanasa. Hindi ko pinili ang sakit na ito ng pamilya; gayundin ang alkoholiko. Kaya sinusubukan kong kumilos nang may kahabagan para sa aming dalawa.
Paalala sa Araw na Ito
Ang pagtanggap ko sa sakit na ito ng pamilya ay nagpapahintulot sa akin na huminto sa pag-aaksaya ng enerhiya na lumaban sa walang pag-asang labanan, at sa halip ay bumaling sa mga mapagkukunan ng tunay na tulong at pag-asa-Al-Anon at ang aking Mas Mataas na Kapangyarihan.
“Sa pamamagitan ng pagtanggap sa ideya na ang alkoholismo ay isang sakit kung saan ang mga problemang manginginom at ang mga nagmamalasakit sa kanila ay makakahanap ng pagpapalaya, wala kang dahilan upang ikahiya ang alkoholismo-walang dahilan upang matakot dito.”
So Mahal Mo ang Isang Alcoholiko (So You Love an Alcoholic)